Hindi ko alam kung bakit, pero parang takot na takot ang mga tao sa gitna ng MRT. Alam niyo yun, yung "bandang gitna" na lagi namang pinapaalala sa mga sumasakay. Parang walang naririnig ang mga tao pagsakay ng tren. Basta't nakatapak na sa tren, di na gumagalaw. Bahala na yung mga tao na nasa likod, at lalong bahala na yung mga taong gusto sanang lumabas.
Minsan, sinubukan kong pumasok sa gitna. Wala namang nakakatakot, at maluwag. Puwede ka pang sumayaw kung gusto mo. Ingat lang kasi baka may matamaan ka. At, kapag bababa ka na, kailangan mong lumapit agad sa may pintuan kasi ayaw na ayaw magpadaan ng mga tao. Siguro yun ang dahilan kung bakit ayaw nilang pumasok, kasi takot sila na hindi na sila makakalabas.
Sana kasi yung mga papasok magpadaan muna. Kung iisipin, simple lang naman yun. Pag may bumaba, luluwag. Pag lumuwag, mas maraming makakasakay. Bakit kaya ayaw magpadaan ng mga sumasakay? Kung ikaw ang bababa, parang makikipag patintero ka pa bago makadaan.
May mga nakalagay naman sa platform na dalawang arrow. Puwede namang sa kanan lang pumwesto para pagbukas ng pintuan, hindi mag banggaan. Kaya lang, hindi ito nangyayari. Kaya naman madalas may nagpaparinig at nagtutulakan. Minsan, may nagsisigawan, parang bata pa kung mag-away. Sabi ng dadaan, excuse me. Parang walang nakarinig. Excuse me, inulit niya. Wala pa rin. EXCUSE ME SABI EH! Ayan, narinig na siya. Tiningnan siya pero wala pa ring gumalaw. Nagalit tuloy, sumigaw. Hoy kalbo! Sinabi nang excuse me eh! Ayan, nagtinginan na ng masama. Sa bagay, maganda rin ito para hindi nakakasawa sumakay. Exciting. Challenging.
Marami kang matututunan sa MRT. Maaalala mo ang "center of gravity" na tinuro sa Physics. Para hindi madaling matumba, lakihan ang pagitan ng mga paa. Ibang usapan nga lang kapag rush hour, sa sobrang sikip, minsan wala ka nang tinatayuan. Okay lang din, kasi kapag ganun kasikip, imposibleng matutumba ka pa.
Kapag rush hour, sobrang sikip. Hindi ka na makahinga. Mabuti na rin yun kasi minsan, hindi mabango ang kadikit mo. Kapag sobrang sikip, hindi mo na rin kailangan maglakad papasok ng tren. Tumayo ka lang at mamaya, makikita mo. Nasa loob ka na. Parang magic. Minsan, kung suwerte ka, makakakita ka ng ibang magic. Mga cellphone at wallet na nawawala. Pero malas ka kung ikaw ang nawalan.
Kapag masyadong masikip, magsama ng bata. Kasi kung may kasamang bata, makakasakay sa bandang harap. Mas maluwag dito, madalas. Minsan masikip din. At may nagsasabi na mas grabe makipagtulakan ang mga babae. Pero huwag mag-alala, kung may bata, baka paupuin ka pa.
Minsan may mga lalaki na sumasakay sa pambabaeng lugar. Tatayo sa gitna ng mga babae at kunwari hindi alam na bawal ang lalaki doon. Pagdating ng tren, mabilis na papasok at tatayo sa gilid ng pinto, sumisilip kung nakita siya ng guwardiya. Pag nahuli at pinababa, kakamot ng ulo, kunwari wala pa ring alam.
Noong bago pa lang ang hiwalay na lugar para sa mga babae, hindi ako sumasakay doon. Napapaisip kasi ako sa "segregation scheme," hindi ako sigurado kung maganda ba ito. Gusto ko rin kasi na pagbaba ko sa tren, nandoon kaagad ang hagdan. Nakikipagkumpetensiya kasi ako sa sarili ko lagi, gusto kong makita kung ano ang pinakamabilis na kaya kong biyahe.
Kaya lang, may kasabay ako minsan na lalaki na parang masyadong nasanay sa masikip. Dikit nang dikit kahit maluwag naman sa tren. Kaya ngayon, mas gusto ko na sa lugar na pambabae kahit grabe ang tulakan.
Kahit hindi ganun kaganda, paborito ko talagang sumakay sa MRT. Lalo na kapag nakikita mo sa labas ang mga sasakyang di makagalaw sa EDSA na mukhang isang malaking parking lot. Malamig naman, at walang usok. Gustong-gusto ko na alam mong makakarating ka sa loob ng isang oras, kahit hindi ka makaupo at magulo ang itsura mo pagbaba. Kahit papaano nakarating ka.
by Melay Lapena